EL SEGUNDO, California — Opisyal nang inihayag ng Los Angeles Lakers ang paghirang kay Frank Vogel bilang bago nilang head coach, dalawang araw matapos magkasundo ang dalawang panig.
Magkakaroon ang Lakers ng introductory press conference para kay Vogel sa Mayo 20 sa kanilang pasilidad.
Inihayag ng Los Angeles ang pagpirma ni Vogel sa isang three-year contract.
“I am very excited for this opportunity to join the Lakers, a prestigious organization that I have long admired,” sabi ni Vogel sa kanyang statement. “I look forward to coaching such phenomenal talent and bringing my strategic vision to the team.”
Bumiyahe si Vogel sa Los Angeles noong Mayo 9 at nakipagkita sa isang grupo na kinabibilangan nina team owner Jeanie Buss, general manager Rob Pelinka at adviser Kurt Rambis.
Bumagsak ang naunang negosasyon ng tropa kay Tyronn Lue.
Hindi nag-coach ang 45-anyos na si Vogel sa nakaraang season matapos gabayan ang Orlando Magic sa loob ng dalawang taon.
Bago hawakan ang Magic ay inihatid ni Vogel ang Indiana Pacers sa Eastern Conference Finals noong 2013 at 2014.
Mayroong siyang career record na 304-291.
Pinalitan ni Vogel si Luke Walton, sinibak matapos ang tatlong seasons sa Lakers.