Go For Gold-CSB lumapit sa playoff
MANILA, Philippines — Kinailangan pang pigilan ng Go For Gold-CSB ang huling pag-ahon ng Petron-Letran bago makatakbo tangay ang 107-87 panalo upang mapa-lakas ang playoff chance nito sa umiinit na 2019 PBA Developmental League kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Sa likod ng alas na si Roosevelt Adams, ruma-tsada agad sa 29 puntos na kalamangan ang Scratchers, 64-35 sa simula ng ikatlong kanto.
Subalit bigla silang nanlamig buhat noon nang magpakawala ng pambihirang 47-27 birada ang Knights upang makalapit sa hanggang 82-91, 3:50 pa sa orasan.
Sa kabutihang palad, may natitira pang gasolina sa tangke ng Go For Gold nang limitahan na lamang nila ang Petron sa limang puntos upang mag-uwi pa rin ng 20-puntos na tagumpay.
Trumangko sa atake ng Scratchers ang Fil-Am sensation na si Adams na nagpakawala ng anim na tres upang magtapos sa 29 puntos, 11 rebounds at apat na supalpal.
“This is what I expect from him. This is the reason why I got him,” ani head coach Charles Tiu.
Bunsod nito, umangat sa 4-3 baraha ang Go For Gold upang manatiling buhay ang pag-asang makapasok sa top four ng Aspirants’ Group na siyang aabante sa crossover quarterfinals kontra naman sa pambato ng Foundation Group.
Sa kabilang banda, hindi naman nagkasya kahit ang malaking 22 puntos at 16 rebounds na double double ni Jeo Ambohot para sa Knights na nahulog sa 5-3 baraha.
Sa unang laro, tinalo ng St. Clare College-Virtual Reality ang McDavid, 93-82 upang agawin sa Petron-Letran ang tersera puwesto ng Aspirants Group hawak ang 5-2 kartada.
- Latest