MANILA, Philippines — Dalawang University of Santo Tomas spikers ang bumabandera sa MVP race ng UAAP Season 81 women’s volleyball tournament.
Nasa unahan ng listahan sina wing spiker Sisi Rondina at rookie opposite hitter Eya Laure na siyang nanguna upang dalhin ang Tigresses sa No. 3 spot mula sa hawak na 9-3 marka.
Okupado ni Rondina ang unang puwesto sa scoring department matapos makalikom ng kabuuang 238 points na nakuha niya mula sa 210 spikes, 15 blocks at 13 aces.
Nasa ikalawa si Rondina sa spiking tangan ang 33.28 efficiency rating, habang ikaanim siya sa digging matapos magtala ng 4.10 average digs per set.
Sumesegunda naman si Laure sa scoring bunsod ng kanyang 184 attacks, 18 blocks at 15 aces para sa kabuuang 217 points at hawak ang unang puwesto sa attacks mula sa 36.22 success rating niya.
Kabilang din sa Top 6 sa scoring sina Diana Mae Carlos ng University of the Philippines, rookie Princess Anne Roble ng National University, Kat Tolentino ng Ateneo de Manila University at Judith Abil ng University of the East.
Nakakuha si Carlos ng 197 points (175 attacks, 14 blocks at 8 aces, habang naglista si Robles ng 176 points (144 attacks, 26 aces at 6 blocks).
Parehong may 172 points sina Tolentino (136 attacks, 25 blocks at 11 aces) at Abil (152 attacks, 15 aces at 5 blocks).
Maliban kina Laure at Robles, kandidato rin sa UAAP Rookie of the Year award sina Ivy Lacsina ng NU at Jolina Dela Cruz ng La Salle.