MANILA, Philippines — Winalis ni Zoren James Aranas ang lahat ng kanyang asignatura para matamis na angkinin ang titulo ng 27th Annual Super Billiards Expo Diamon Open 10-Ball Championships sa Greater Philadelphia Expo Center sa Oaks, Pennsylvania.
Hindi hinayaan ni Aranas na makabalik sa porma si Oscar Dominguez ng US upang iselyo ang 13-10 panalo sa championship round at makopo ang $10,000.
Nakapasok sa 16-man knockout stage si Aranas nang isa-isa niyang patumbahin sina Matt Krah sa first round (10-1), Hunter Lombardo sa second round (10-5) at James Sossei sa third round (10-2).
Nagpatuloy ang matikas na ratsada ni Aranas sa main draw nang payukuin sina Chris Robinson sa Round-of-16 (13-11), dating world champion Mika Immonen sa quarterfinals (13-5) at kababayang si Raymund Faraon sa semifinals (13-11) bago makaharap si Dominguez sa finals.
Ito ang ikalawang sunod na titulo ni Aranas sa taong ito matapos pagharian ang 2nd Annual Barry Behrman Memorial Tournament sa Virginia Beach noong unang linggo ng Abril.
Pumangalawa rin si Aranas sa 2019 Derby City Classic 9-Ball Division at ikatlo sa World Pool Series Predator Grand Finale at sa 2019 Maryland State 9-Ball Championship.