Arespacochaga bagong coach ng Batang Gilas

MANILA, Philippines — Pinangalanan bilang pinakabagong head coach ng Batang Gilas si Sandy Arespacochaga para sa nalalapit na 2019 FIBA U19 World Cup sa Hunyo.

Ito ang inanunsyo kahapon ni Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) President Al Panlilio matapos ang matagal na paghahanap ng Batang Gilas head coach na binakante ni dating mentor Josh Reyes.

“Sandy has proven his worth as a youth basketball coach. He has won championships in the high-school level and has been an active member of the highly successful Ateneo college basketball program,” ani Panlilio na nagsisilbi ring Meralco governor sa Philippine Basketball Association (PBA).

“Batang Gilas U-19 has performed well. It is important that we give them a great fighting chance to win games and get the valuable expe-rience necessary to be competitive in that age group consistently.”

Sa kasalukuyan ay bahagi ng Ateneo basketball program sa UAAP si Arespacochaga kasama ang head coach na si Tab Baldwin.

Dating manlalaro ng Ateneo Blue Eagles, sa Katipunan din sinimulan ni Arespacochaga ang kanyang coaching career nang gabayan sa back-to-back UAAP juniors titles ang Ateneo Blue Eaglets noong 1999  at 2000.

Noong 2002 ay na-ging bahagi siya ng Ateneo seniors team coaching staff ni Joel Banal at nagtuluy-tuloy hanggang sa panahon ni Norman Black noong 2008 hanggang 2012 kung kailan umukit ng kasaysayan ang Ateneo na limang sunod na kampeonato.

Kasama rin si Arespacochaga sa back-to-back UAAP titles ng Ateneo simula 2017 hanggang 2018 sa pangunguna ni Baldwin.

Mayroon ding coaching stints si Arespacochaga sa PBA sa ilalim ni Black sa Talk ‘N Text gayundin kay Yeng Guiao sa NLEX.

Sa ngayon ay top de-puty ni head coach Bong Ravena sa KaTropa si Arespacochaga.

Inaaasahang titipunin  ni Arespacochaga ang Batang Gilas sa susunod na buwan lalo’t paparating na ang U19 World Cup na nakatakda sa Hunyo 29 hanggang sa Hulyo 7 sa Heraklion, Greece.

Pangungunahan nina twin towers Kai Sotto at AJ Edu ang naturang Philippine youth team na nagpasiklab sa mga nakaraang taon sa mga torneong tulad ng FIBA Asia Championships at FIBA World Cups para sa U16, U17 at U18 age groups.

 

Show comments