2-0 na ang F2 Logistics
MANILA, Philippines — Kahit patuloy na wala pa ang star import na si Lindsay Stalzer, wina-lis pa rin ng F2 Logistics ang Sta. Lucia Lady Realtors, 25-21, 25-19, 25-19 upang masungkit ang ikalawang sunod na panalo habang humataw din sina import Erica Wilson at Mylene Paat para iangat ang Cignal HD sa straight-set panalo kontra sa PLDT Home Fibr, 25-22, 27-25, 25-19, kahapon sa pagpapatuloy ng 2019 Philippine Superliga Grand Prix sa FilOil Flying V Center.
Tumapos si Wilson ng 21 puntos kabilang na ang 15 atake, limang aces at isang block habang si Paat ay tumulong din ng 19 puntos, 12 nito mula sa atake na may kasamang limang blocks at dalawang acs para sa unang panalo ng HD Spikers sa dalawang laro.
“We adjusted Ana Artemeva‘s position. At first she was hesitant, but she was very professional and did her best and followed my instructions,” sabi ni Cignal head coach Edgar Barroga na tukoy ang paglipat sa kanyang Azerbaijan import sa middle spot para maluwag si Paat sa opposite side.
Binura ng HD Spikers ang 7-11 deficit sa ikatlong set sa pamamagitan ng 6-0 run para agawin ang kalamangan, 13-11 at mula doon, hindi na nila binitiwan pa ang bentahe.
“For Erica (Wilson), I don’t have any problem because she will always do what she has to for the team,” dagdag ni Barroga.
Pinangunahan ni Grace Lazard ang PLDT sa kanyang 15 puntos.
- Latest