May asim pa si Rondo

Umangat si Rajon Rondo ng LA Lakers para sa basket laban kay Da-niel Theis ng Boston.

BOSTON -- Ipinakitang muli ni veteran guard Rajon Rondo ang pamatay niyang porma para talunin ang dati niyang koponan.

Tinakasan ng Los Angeles Lakers ang karibal na Celtics, 129-128 na kinatampukan ng game-winning basket ni Rondo.

Nagposte naman si LeBron James ng triple-double sa kanyang 28 points, 12 rebounds at 12 assists para sa Lakers.

Tumapos si Rondo na may 17 points, 10 assist at 7 boards para pigilin ang dalawang sunod na kabiguan ng Los Angeles at winakasan ang five-game winning streak ng Boston.

Binanderahan ni Kyrie Irving ang Celtics sa kanyang 24 points at 8 assists habang tumipa sina Jayson Tatum at Daniel Theis ng 22 at 20 markers, ayon sa pagkakasunod.

Sa Oklahoma City, inilista ni Russell Westbrook ang kanyang pang-walong sunod na triple-double para tulu-ngan ang Thunder sa pagpapatumba sa Memphis Grizzlies, 117-95.

Kumolekta si Westbrook na may 15 points, 15 assists at 13 rebounds.

Siya ay nasa pinakamahabang triple-double streak sa kanyang career at isa na lamang ang kulang para mapantayan ang NBA record na siyam na sunod ni Wilt Chamberlain noong 1968.

Umiskor naman si Paul George ng 27 points at nagdagdag si Jerami Grant ng 20 markers para sa Oklahoma City, naipanalo ang siyam sa kanilang huling 10 laro.

Nagtala si Jaren Jackson Jr. ng 27 points sa panig ng Grizzlies, ibinigay si center Marc Gasol sa Toronto Raptors kapalit ng tatlong players.

Inihayag din ng Memphis ang pagdadala nila kina JaMychal Green at Garrett Temple sa Los Angeles Clippers kapalit ni Avery Bradley.

Sa Orlando, kumamada si Terrence Ross ng 32 points bukod pa ang kanyang mahalagang defensive play para akayin ang Magic sa 122-112 panalo laban sa Minnesota Timberwolves.

 

Show comments