MANILA, Philippines — Nagkasya sa runner-up trophy si James Aranas sa 2019 Derby City Classic 9-Ball Championship na ginanap sa Horseshoe Southern Indiana Casino sa Elizabeth, Indiana sa Amerika.
Umabante sa finals si Aranas tangan ang twice-to-beat advantage matapos isa-isang payukuin sina Dany Olsen ng Amerika, Neils Feijen ng Netherlands, Fedor Gorst ng Netherlands, Shane Van Boening ng Amerika, Jayson Shaw ng Scotland at Jonathan Pinegar ng Amerika.
Subalit dalawang beses din itong natalo kay Skyler Woodward ng Amerika sa finals upang mahulog sa ikalawang puwesto.
Gayunpaman, nagbulsa naman si Aranas ng $8,000 runner-up purse habang nakuha ni Woodward ang $16,000 papremyo.
Si Woodward din ang nakasungkit ng Master of the Table matapos makalikom ng kabuuang 217.50 puntos para kamkamin ang tumataginting na $20,000 karagdagang papremyo.
Pumangalawa lang si 2018 Master of the Table king Francisco “Django” Bustamante (156.20 points) na nauna nang nagkampeon sa DCC One Pocket Championships.