MANILA, Philippines — Pamilyar na import ang magiging katunggali nga-yon ng Philippine bet na San Miguel-Alab Pilipinas sa umiinit na 2018-2019 Asean Basketball League.
Ito ay walang iba kungdi sa katauhan ng dating Philippine Basketball Association (PBA) import na si Romeo Travis na kinuha ng karibal ng Alab na Mono Vampire upang maging dagdag na import nila.
Nagkukumahog sa 2-11 na kartada para sa ikasiyam na puwesto ng ABL standings, sinikwat ng Mono Vampire ang 34-anyos na si Travis upang samahan sina Mike Singletary at Malcolm White sa tangkang masagip pa ang kanilang kampanya.
Dati ring PBA imports ang dalawa nang magsilbi si Singletary bilang Barako Bull at San Miguel Beer import habang naglaro naman sa Globalport (Northport ngayon) si White noong nakaraang Commissioner’s Cup.
Si Travis naman ay kagagaling lang sa pagsilbi bilang reinforcement sa Magnolia Hotshots sa katatapos lang na 2018 PBA Governors’ Cup.
Natalo man para sa Best Import na parangal, nadala naman ni Travis ang Magnolia sa kampeonato matapos ang 4-2 Finals series win kontra sa eventual Best Import na si Mike Harris at Alaska Aces.
Nauna nang naglaro dati sa PBA noong 2015 si Travis para sa Aces subalit natalo sa Finals matapos mawalis nina AZ Reid at ng Beermen.
Bukod kina Singletary at White, makakasama rin ni Travis ang Thai-American na si Tyler Lamb na maglalaro na sa wakas sa kanyang home team matapos magsilbing Heritage Import ng contender na Hongkong Eastern.
Bunsod ng mga dagdag na pirasong ito, umaasa ang Mono Vampire na makabalik muli sa tuktok ng ABL.