Blackwater makikilatisan
MANILA, Philippines — Nagkaroon ng ilang malalaking trades ang Blackwater sa offseason.
Ngayon ay makikita ni head coach Bong Ramos kung tama o mali ang kanilang mga naging hakbang.
Lalabanan ng Elite ang NorthPort Batang Pier ngayong alas-4:30 ng hapon kasunod ang bakbakan ng Phoenix Fuel Masters at Meralco Bolts sa alas-7 ng gabi sa 2019 PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.
“It will be a test for Blackwater,” sabi ni Ramos sa koponang iginiya niya sa franchise-best na sixth place finish noong 2018 Governors’ Cup. “We will see on what level are we at this stage after the off-season preparation.”
Wala na sa bakuran ng Elite sina 6-foot-8 center JP Erram, guards John Pinto at Paul Zamar dahil sa trade.
Ibinigay ng Blackwater si Erram sa NLEX habang napunta si Pinto sa Meralco at lumipat si Zamar sa San Miguel.
Magsusuot naman ng uniporme ng Elite sina rookies Paul Desiderio at Abu Tratter na nakuha mula sa trade kay Erram, kasama si Diego Dario at free agent Gelo Alolino at Joseph Eriobu.
Nagkaroon din ng pagbabago sa tropa ng Batang Pier.
Kakampanya para sa NorthPort sina rookie Ro-bert Bolick at free agent Jomari Sollano para makatuwang nina Stanley Pringle at Sean Anthony.
Sa ikalawang laro, mag-uunahan din ang Bolts at Fuel Masters na maitala ang una nilang panalo para samahan ang Ginebra Gin Kings sa liderato.
Muling ipaparada ng Meralco sina Ranidel de Ocampo, Jared Dillinger, Cliff Hodge, Baser Amer at Chris Newsome kasama sina rookies Trevis Jackson at Kier John Quinto at free agent recruit Gabby Espinas.
“We’re healthy for the first time in four years,” sabi ni coach Norman Black sa kanyang Bolts. “It’s interesting to see how we start this conference and play the entire tourney where we put our best players on the floor.”
Sina Matthew Wright, Calvin Abueva, Jason Perkins, RJ Jazul, JC Intal, Doug Kramer, LA Revilla at Willy Wilson ang sasandigan ng Phoenix.
“The initial goal is to make the playoffs and we’ll see what we can do from there,” wika ni Fuel Masters mentor Louie Alas.
- Latest