App Da Bonus ginulat ang mga liyamadista
MANILA, Philippines — Nanalo ang nadehadong kalahok na App Da Bonus sa ikaanim na karerang naganap noong Biyernes sa pista ng Sta Ana Saddle and clubs sa Naic, Cavite.
Tinalo ng tambalang App Da Bonus at jockey JL Paano na nadehado sa bentahan ang liyamadong ILove Jane at ang malakas na bumentang Classic Gee na pagmamay-ari ni Ed Gonzales.
Sa nasabing karera ay pilit na inunahan ng dehadong Del Monte ang segunda liyamadong Classic Gee pagsapit ng medya milya bago muling kinuha ng tambalang Classic Gee at jockey JL Lazaro ang bandera pagdating sa huling kurbada.
Nasa unahan pa rin ang Classic Gee pagdating sa rektahan kasunod ang nauubos nang Del Monte, habang paparating naman ang nagpaparemateng App Da Bonus kasabay ang ILove Jane.
Sa huling 50 metro ay nagkapanabayan ang Classic Gee at App Da Bonus bago nakuha ng huli ang panalo na may mahigit sa isang katawan agwat laban sa nasegundong Classic Gee, habang pumangatlo ang ILove Jane.
Maganda pa ang ibinigay ng Forecast sa halagang P191.00 para sa nanalong kumbinasyon nito na 5-4, habang malaki rin ang naging dibidendo sa Trifecta na nagbigay ng P105.20 para sa nanalong kumbinasyon na 5-4-7.
Nagbigay naman ang Daily Double ng dibidendong P37.00 kabit sa Super Mega Oustanding Favorite na Storm Chaser na nanalo sa Race 5, habang ang Daily Double naman kabit sa nanalong Believable sa huling karera ay nagbigay ng tamang P86.50 kada isang ticket.
Halos puro liyamadong kabayo sana ang mga nagsipanalo bago sinilat ng dehadong App Da Bonus ang araw sana ng mga liyamadista kung saan nagbigay pa ang Winner-Take-All ng dibidendong P2,340.40 para sa nanalong kumbinasyong 5-7-5-1-7-5-7.
- Latest