MANILA, Philippines — Hindi pa tapos sa pagpapalakas ng puwersa ang powerhouse na San Miguel matapos mapanatili ang serbisyo ng dalawang stringers nilang sina Von Pessumal at Louie Virgil.
Bagong dalawang taon na kontrata ang pinirmahan ng dalawa upang hindi mabiyak ang Beermen core na magtatangka sa makasaysayang pang-limang sunod na Philippine Cup title sa pagbubukas muli ng 44th PBA season sa Enero 13.
Nasikwat ng San Miguel si Vigil bilang 17th overall pick noong 2017 PBA Rookie Draft, habang si Pessumal naman ay nakuha nila mula sa Globalport kapalit ang big man na si Arnold Van Opstal.
Solidong kontrata ito para sa Beermen lalo’t hangad nila ang suporta ng pambatong starters na sina four-time Most Valuable Player June Mar Fajardo, Marcio Lassiter, Alex Cabagnot, Christian Standhardinger, Chris Ross at Kelly Nabong.
Magugunitang noong nakaraang linggo lang ay nagdagdag din ng puwersa ang Beermen sa katauhan nina Terrence Romeo, Ronald Tubid at Paul Zamar na nakuha nila sa tatlong magkakahiwalay na deals.
Nakuha ng SMB si Romeo mula sa Talk ‘N Text kapalit sina Brian Heruela, David Semerad at future pick, si Zamar naman ay mula sa Blackwater para rin sa future picks, habang si Tubid ay nasungkit nila mula sa Columbian kapalit si Keith Agovida.
Nasa negosasyon pa ang koponan para sa iba pang beteranong manlalarong sina Yancy De Ocampo, Chico Lanete at Billy Mamaril kung mabibigyan din ng bagong kontrata.
Bunsod ng kilalang core na ito, ang Beermen ang naghari ng Philippine Cup sa loob ng apat na sunod na taon na natuldukan nila gamit ang 4-1 na tagumpay kontra sa Magnolia Hotshots ngayong taon.