MANILA, Philippines – Habang ang ibang rookies ay nagkukumahog pa bunsod ng kaliwa’t kanang trades, nakasiguro na ng kanyang puwesto ang third overall pick na si Robert Bolick.
Ito ay matapos siyang papirmahin agad ng Batang Pier ng dalawang taong kontrata, ilang araw lamang matapos mapili sa likod nina first at second overall pick CJ Perez at Bobby Ray Parks Jr sa 2018 Philippine Basketball Association (PBA) Annual Rookie Draft nitong Linggo.
Tumataginting na P4.4 milyong kontrata sa loob ng dalawang taon ang nasiguro ng Ormoc, Leyte-native sa ginanap na contract signing kasama ang kanyang team manager na si Marvin Espiritu gayundin sina Northport team manager Bonnie Tan at assistant team manager Wayip Chong.
Maximum rookie contract ang naipagkaloob sa three-time National Collegiate Athletic Association (NCAA) mula sa San Beda na magbibigay sa kanya ng malaking P150,000 na suweldo kada buwan at P220,000 sa ikalawang taon.
Ang malaking tiwala ng Northport kay Bolick bilang bagong katambal ni Stanley Pringle ang dahilan ng koponan sa mabilis na pagsiguro sa dating King Red Lion.
Samantala, gayundin ang sinapit nina sixth pick Javee Mocon at eighth pick Jayjay Alejandro para sa Rain or Shine.
Magkahiwalay na tatlong taong kontrata ang nasiguro ng dalawa matapos ang contract signing kasama sina team governor Mamerto Mondragon, alternate governor Edison Orbiana at asisstant team manager Jay Legacion.
Dumalo rin ang agent ni Mocon na si Regi Cruz at manager ni Alejandro na si Edgar Mangahas.
Ang Rain or Shine ang may pinakamaraming draftees sa bilang na pito subalit nakadepende pa sa pagsasanay kung makakapasok rin sa pinal na roster ang lima pang rookies nito na sina Paul Varilla, Robbie Manalang, Harold Ng, Kent Lao at Al Josef Cariaga.
Mayroon ding tatlo pang rookies ang Northport na sina Edrian Lao, Jeremiah Taladua at John Ragasa subalit sasailalim pa rin sa ensayo at tryout kung makakapasok ba sa koponan.