MANILA, Philippines – Sa ikatlong sunod na beses ngayong taon ay magsusuot ng bagong uniporme si Terrence Romeo.
Ito ay matapos maaprubahan ng Philippine Basketball Association (PBA) ang paglipat niya mula sa Talk ‘N Text patungo sa San Miguel kasunod ng blockbuster trade sa pagitan ng dalawang magkaribal na koponan.
Bilang kapalit, ibibigay ng Beermen sa KaTropa sina Brian Heruela, David Semerad at ang first round pick nito sa 2021 PBA Rookie Draft.
Ito na ang magiging ikatlong koponan ngayong taon ng three-time scoring champion matapos itulak ng dating koponan na Northport sa TNT nitong Abril.
Sa Northport (dating Globalport), gumugol ng limang taon ang 26-anyos na si Romeo buhat nang ma-draft bilang 5th overall pick noong 2012 bago malipat sa KaTropa kung saan siya nagrehistro ng 16.1 puntos, 5.0 assists at 3.2 rebounds.
Bukod kay Romeo, nakuha rin ng SMB sina Paul Zamar at Ronald Tubid mula sa Blackwater at Columbian, ayon sa pagkakasunod.
Ipinalit ng Beermen ang second round picks nito sa 2021 at 2022 draft sa Blackwater habang ibinigay naman nila si Keith Agovida sa Columbian.
Samantala, isa pang trade ang umuugong sa pagitan ng tatlong koponan na Meralco, TNT at Blackwater.
Sentro ng transaksyon ang second overall pick na si Bobby Ray Parks Jr. na napaulat na mapupunta sa Meralco kapalit ni Baser Amer.
Si Amer naman ay nakatakda umanong tumu-ngo sa TNT kapalit sina Heruela at Jericho Cruz upang makumpleto ang three-team transaction.
Kaagad naman itong sinopla ng Blackwater sa pangunguna ni head coach Bong Ramos sa pagsabing ‘rumor’ lang aniya ang naturang trade.