Banchero pinagmulta
MANILA, Philippines – Matapos si Magnolia veteran point guard Mark Barroca ay si Chris Banchero ng Alaska naman ang pinatawan ng multa ng PBA Commissioner’s Office.
Pinagbayad ang Fil-Italian playmaker ng Aces ng P20,000 dahil sa paghampas sa mukha ni Hotshots forward Ian Sangalang sa Game Five ng 2018 PBA Governors’ Cup championship series noong nakaraang Biyernes.
Tinakasan ng Magnolia ang Alaska, 79-78, mula sa game-winning jump shot ni combo guard Paul Lee sa natitirang 1.3 segundo ng fourth quarter para kunin ang 3-2 bentahe sa kanilang best-of-seven titular showdown.
Pinilit pigilan ni Banchero ang fastbreak layup ni Sangalang sa huling 18.7 segundo ng final canto ng nasabing laro.
Itinuring lamang na regular foul ang pagsapok ni Banchero sa mukha ni Sangalang na kumumpleto sa kanyang three-point play at nagbigay sa Magnolia ng 77-76 abante laban sa Alaska.
Nauna nang pinatawan si Barroca ng multang P50,000 dahil sa paghampas sa maselang bahagi ng katawan ni Banchero sa Game Four.
- Latest