Biado, De Luna pasok sa knockout stage
MANILA, Philippines — Patuloy ang pananalasa nina Carlo Biado at Jeffrey De Luna upang makahirit ng tiket sa knockout stage ng 2018 World 9-Ball Championship na ginaganap sa Al-Attiya Sports Arena sa Al-Arabi Sports Club sa Doha, Qatar.
Pinatumba ni Biado si Sergey Lutsker ng Russia sa iskor na 9-5 sa Group 9, habang nanaig naman si De Luna kay Radoslaw Babica ng Poland sa Group 2 sa bisa ng 9-6 desisyon.
Buhay na buhay pa ang pag-asa nina Roland Garcia, Johann Gonzales Chua at Marlon Manalo na nagrehistro ng magkakaibang panalo sa kani-kanilang losers’ bracket.
Iginupo ni Garcia si Ahmed Nizam Uddin ng Bangladesh (9-5) sa Group 3, habang nanaig si Chua kay Wojciech Szewczyk ng Poland (9-2) sa Group 4 at namayani si Manalo kay Ali Abdulhadi ng Qatar (9-2) sa Group 10.
Nahulog naman sa loser’ column si Jeffrey Ignacio na yumuko kay Mateusz Sniegocki ng Poland (5-9) sa Group 6.
Makakalaban ni Ignacio sa do-or-die game si Satoshi Kawabata ng Japan para sa tsansang makapasok sa main draw.
Hihirit din ng puwesto sa knockout stage sina Garcia laban kay Billy Thorpe ng Amerika, Chua laban kay Jeong Young Hwa ng South Korea at Manalo laban kay Casper Matikainen ng Finland.
Tuluyan nang namaalam sa kontensiyon sina Israel Rota at Roberto Brillantes na kapwa lumasap ng ikalawang sunod na kabiguan.
Natalo si Rota kay Chang Yu Lung ng Chinese-Taipei (5-9), habang yumuko si Brillantes kay Aung Moe Thu ng Myanmar (3-9).
- Latest