MANILA, Philippines — Matapos maging suliranin ng NorthPort ay sakit naman ng ulo ngayon ng TNT Katropa si Terrence Romeo.
Halos isang buwan nang hindi nagpapakita ang three-time scoring champion sa ensayo ng Tropang Texters ni coach Bong Ravena.
Wala rin ang anino ni Romeo sa idinaos na Christmas party ng koponan.
Kaya naman inilagay na ng TNT Katropa ang scoring guard sa trading block na kaagad pinag-interesan ng San Miguel.
Ngunit mahigpit na ipinagbilin ni PBA Commissioner Willie Marcial sa mga koponan ang pagpasok sa trade sa araw ng Rookie Draft kahapon.
Ayon kay Marcial, ang lahat ng trades matapos ang drafting ay pag-aaralan ng binuo niyang five-man trade committee bago siya magbaba ng desisyon.
Noong Abril ay dinala ng Batang Pier si Romeo sa Tropang Texters matapos ang sigawan nila ni head coach Pido Jarencio.
Samantala, ibibigay naman ng NLEX sina rookies Paul Desiderio at Abu Tratter sa Blackwater kapalit ni JP Erram.