SACRAMENTO, Calif. — Isinalpak ni guard Klay Thompson ang isang go-ahead three-point shot sa natitirang 38.5 segundo at tumipa ng apat na free throws si Stephen Curry sa dulo ng laro para tulungan ang Golden State Warriors sa 130-125 panalo kontra sa Kings.
Kumolekta si Curry ng 35 points, 7 rebounds at 6 assists, habang tumapos si Thompson na may 27 points at 9 boards.
Humakot naman si Kevin Durant ng 33 points, 8 rebounds at 8 assists para sa Warriors na nagmula sa 20-point home loss sa NBA-leading Toronto Raptors.
Umiskor ang Golden State ng 103 points matapos ang tatlong yugto bago nanahimik sa loob ng walong minuto sa fourth quarter.
Sa kanilang paggising ay humataw sila ng 17-2 atake para iwanan ang Sacramento sa huling 3:03 minuto ng laro.
Palaging iniiwanan ng Kings si Thompson hanggang isalpak ng Warriors star ang isang 27-footer para sa kanilang 126-125 bentahe sa huling 38.5 segundo ng laro.
Sa Phoenix, naglista si guard Damian Lillard ng 24 points at tinapos ng Portland Trail Blazers ang kanilang two-game slide mula sa 128-122 paggupo sa Raptors.
Nag-ambag si Zach Collins ng 16 points kasunod ang season-high 13 markers ni Seth Curry para sa Trail Blazers.
Nagbalik si Kawhi Leonard para umiskor ng 28 points sa panig ng Raptors (23-8) na naglaro nang wala si All-Star point guard Kyle Lowry.
Sa Denver, kumamada si Nikola Jokic ng 24 points, samantalang may 19 markers si Jamal Murray para pamunuan ang Nuggets sa 109-98 panalo laban sa Oklahoma City Thunder.
Nagkaroon ng komprontasyon sina Murray at Russell Westbrook dahil sa puwestuhan sa jump ball sa dulo ng final canto.
Umiskor si Paul George ng 32 points para banderahan ang Thunder, naisuko ang ikaapat na sunod na laro sa Nuggets.
Sa Philadelphia, kumolekta si Thaddeus Young ng 26 points at 10 rebounds at nalampasan ng Indiana Pacers ang iniskor na 40 markers ni Joel Embiid para talunin ang 76ers, 113-101.
Nagdagdag naman si Victor Oladipo, nagkaroon ng knee injury, ng 14 points at 9 assists para sa Pacers.