MANILA, Philippines – Nagwagi si IM Jan Emmanuel Garcia laban kay FIDE Master Stephen Rome Pangilinan habang nasikwat naman ni Oliver Dimakiling ang panalo kontra kay IM Angelo Young sa second round ng 7th Asian Continental Chess Championships (2nd Manny Pacquiao Cup) noong Martes ng gabi sa Tiara Hotel ng Makati City.
Sa kanilang panalo, kapwa sina Dimakiling at Garcia na kasama sa Philippine national team sa 2018 World Chess Olympiad noong September sa Batumi, Georgia, ay pumasok sa win-column sa unang pagkakataon sa 23-player group para pumuwesto sa pang-22nd place kasama sina opening day winner IM Paulo Bersamina at Haridas Pascua.
Matapos sa magandang umpisa, nabigo naman ang 20-anyos na si Bersamina pagkaraang matalo kay GM Nodirbek Abdusattorov ng Uzbekis-tan kaya bumagsak sa ika-22nd place.
Nakamit naman ng 25-anyos na si Pascua ang kanyang second straight draw matapos tumabla kay IM Novendra Priasmoro ng Indonesia na mas mataas pa ang FIDE rating sa 2483 kung ikukumpara sa 2242 ng Pinoy chesser. Ang unang draw ni Pascua ay laban kay fourth seed Santosh Gujrath Vidit ng India noong Lunes.
Bukod kay Garcia, Dimakiling at Pascua na nagtala ng 1 full point, ang ibang kasama sa 22nd place ay sina IMs Daniel Quizon, Roderick Nava, Ricky de Guzman at Michael Concio, Jr.
Asam ni Pascua ang unang panalo sa paghaharap laban kay GM Abimanyu Puranik habang si Bersamina ay nakikipag-tuos kay GM M. Amin Tabatabae ng Iran sa third round habang sinusulat ang istoryang ito.
Sa women’s division, nakakuha rin sa kanyang second straight draw si WFM Shania Mae Mendoza sa pamamagitan ni WFM Aay Aisyah Anisa ng Indonesia para pa-ngunahan ang kampanya ng mga Pinay chessers sa parehong 1 full point kasama sina WFM Allaney Jia Doroy, WIM Bernadette Galas at WIM Kylen Joy Mordido.
Nabigo rin si WGM Janelle Mae Frayna sa mga kamay ni WIM P V Nandhidhaa ng India kaya nanatili sa .5 point pagkaraan ng dalawang araw.