Hotshots lalapit sa titulo

MANILA, Philippines — Pipilitin ng Magnolia na maihakbang ang isang paa para sa pagsusuot ng korona, habang determinado ang Alaska na mapigilan ito.

Magtutuos ang Hotshots, tangan ang malaking 2-0 bentahe sa kanilang best-of-seven championship series, at Aces sa Game Three ngayong alas-6:30 ng gabi para sa 2018 PBA Governor’s Cup Finals sa Ynares Center sa Antipolo City.

“We’ll stick on playing one game at time, with a mindset that it’s a do-or-die game,” sabi ni Magnolia mentor Chito Victolero, hangad ang kanyang kauna-unahang PBA title bilang head coach, sa kanilang pagharap sa Alaska.

Kailangan ng Aces na makahirit laban sa Hotshots, kinuha ang 100-84 at 77-71 panalo sa Games One at Two, ayon sa pagkakasunod.

Sa 43 taon kasaysayan ng liga ay isang koponan lamang ang nagawang makabangon mula sa 0-3 pagkakabaon sa serye at ito ay ang San Miguel na niresbakan ang Alaska para sa kampeonato ng 2016 Philippine Cup.

“We’re gonna keep going and we’re gonna keep growing, and thats why it’s a series,” sabi ni Aces mentor Alex Compton sa kanilang titular showdown ng Magnolia. “I don’t think it’s over yet.”

Naging problema ng Alaska sa serye nila ng Magnolia, nasa kanilang ika-30 finals appearances at target ang pang-14 titulo, ang nagawang 25 turnovers sa Game One at 26 errors sa Game Two.

“That’s the prime story of the first two games of the series,” pagtukoy ni Compton sa kanilang turnovers. “I just think that we better take care of the basketball.”

Naniniwala naman si import Mike Harris na kailangan lamang nilang manalo para maibalik ang pamatay na porma ng Aces, sinibak ang Meralco Bolts, 3-1, sa kanilang best-of-five semifinals series para maitakda ang kanilang title wars ng Hotshots.

“All we need to do is win one. It changes the whole thing,” sabi ng 35-anyos na NBA veteran na si Harris na muling makakasukatan si one-time PBA Best Import Romeo Travis ng Magnolia. We can’t get down on ourselves. I’m not down on myself. I’ve been in this before so I like the situation.”

Show comments