MANILA, Philippines – Ang makabawi ang hangad ng three-time champions na Pocari-Air Force sa kanilang pagsagupa laban sa Tacloban Fighting Warays sa Premier Volleyball League Season 2 Open Conference sa The Arena sa San Juan City.
Makakaharap ng Lady Warriors ang Fighting Warays ngayong alas-4 ng hapon, habang nakatakda rin ang duwelo ng Iriga-Navy at Adamson University sa alas-6 ng gabi.
Lumaban ang Lady Warriors ngunit kinapos sa huling yugto ng laro para lasapin ang 19-25, 17-25, 25-20, 25-16, 14-16 kabiguan kontra sa reigning Reinforced Conference champions na Creamline Cool Smashers noong Miyerkules.
Kaya naman handa ang Pocari-Air Force na muling mag-takeoff para makabalik sa porma at mapaganda ang kanilang 3-2 baraha.
Walang iba kundi si dating MVP Myla Pablo ang pangunahing sasandalan ng Lady Warriors kasama sina middle blockers Jeanette Panaga at Del Palomata, opposite hitter Iari Yongco, outside spiker May Ann Pantino, at playmaker Wendy Semana
Gigil ding makaresbak ang Fighting Warays na nakabaon sa three-game losing skid kabilang ang five-set loss sa Ateneo Lady Eagles noong Miyerkules.
Nasa No. 6 spot ang Tacloban bitbit ang 2-4 marka sa torneo.
Papalo para sa Fighting Warays sina Jovielyn Prado, Mary Ann Esguerra, Heather Guinoo at ang bagong recruit na si Dimdim Pacres.
Sa kabilang banda, mag-uunahan naman ang Adamson at Iriga-Navy na makuha ang unang panalo.
Parehong may 0-6 marka ang Lady Falcons at Lady Oragons.
Darayo bukas sa Baliwag Star Arena sa Bulacan ang liga tampok ang bakbakan ng Pocari-Air Force at BanKo Perlas sa alas-4 na susundan ng banggaan ng Creamline at Ateneo sa alas-6 ng gabi.