MANILA, Philippines – Kusang magbibitiw sa puwesto bilang head coach si Johnedel Cardel kung patuloy ang mga kabiguan ng Columbian Dyip sa kampanya nito sa 2018 Philippine Basketball Association (PBA) Governors’ Cup.
Iyan ang inamin ni Cardel matapos ang isa na namang pagkatalo ng Dyip na lalong nabaon sa ilalim ng team standings ng season-ending conference matapos ang pitong sunod na talo.
Ayon kay Cardel, marahil ay bibigyan niya ang kanyang sarili ng isa pang tsansa hanggang sa susunod na conference na 2019 PBA Philippine Cup na siyang maaaring huling pagkakataon niya kung wala pa rin nangyaring maganda sa koponan.
“Siguro that’s my last chance (se-cond conference. If not, siguro kahit ako na ‘yung mag-step down. Kapag hindi pa rin, ‘yun na ‘yun,” aniya. “Reality diba? ‘Yun lang naman ‘yun. Tatanggapin ko naman.”
Magugunitang nitong nakaraang Hunyo ay inakyat ang dating assistant coach na si Cardel ng Dyip matapos ang pagbibitiw ni Ricky Dandan bago lamang magsimula ang Governors’ Cup.
Buhat noon ay hindi pa naipapanalo ni Cardel ang Columbian na kahit siya ay hindi niya matanggap.
“Ang hirap eh, parang hindi ko na alam manalo. Pero it’s okay, it’s part of the game,” dagdag niya.
Sa kabila nito, hindi naman nawawalan ng pag-asa si Cardel at humihiling na makasungkit na sila ng maski isang panalo lamang sa huling apat na laro kontra sa Globalport, Alaska, Rain or Shine at Blackwater sa season-ending conference.
“Hopefull, I can win para lang matanggalan ako ng tinik. Kahit isa lang, okay na sa akin to start on the next conference sa All-Filipino,” diin ni Cardel na dating star guard mula sa De La Salle University.
Bunsod ng 0-7 kartada, sibak na sa kontensyon ang Dyip sa Governors’ Cup at tinitingnan na lang nila ang 2018 PBA Rookie Draft kung saan sila na naman ang inaasahang kukuha ng top pick.
Matatandaang noong nakaraang taon ay tinulak ng Columbian (dating KIA) ang first overall pick nito na si Christian Standhardinger sa isang kontrobersyal na trade sa San Miguel kapalit ang 2019 first round pick, JayR Reyes, RaShawn McCarthy at Ronald Tubid.