MANILA, Philippines — Matapos ang higit isang taon ay nakabalik na sa wakas sa practice ng Barangay Ginebra si Art Dela Cruz.
Kagagaling lamang sa dalawang sunod na ruptured achilles injury, nag-ensayo na sa kauna-unahang pagkakataon ang 26-anyos na combo forward sa Upper Deck Gym sa Pasig City.
Magugunitang nagtamo ng kalunus-lunos na ruptured Achilles tendon injury si Dela Cruz noong nakaraang Marso habang nagsasanay bilang miyembro noon ng Gilas Pilipinas 5.0.
Noong panahon na iyon nasa koponan pa siya ng Blackwater na kumuha sa kanya bilang ninth overall pick noong 2015 Philippine Basketball Association (PBA) Rookie Draft bago itulak ng Elite sa Barangay Ginebra kapalit ni Chris Ellis noong nakaraang Agosto.
Nagpagaling muna ang dating San Beda star at maglalaro na sana noong nakaraang Disyembre para sa Ginebra bago madale ulit ng parehong injury.
Subalit sa pagbalik ni Dela Cruz ay nalagasan ulit ng manlalaro ang Gin Kings sa katauhan ni Joe Devance na nagtamo ng stress fracture sa kanyang kanang paa.
Dumagdag ngayon si Devance sa mahabang listahan ng pilay na manlalaro ng Gin Kings kasama sina Greg Slaughter (left ankle), Japeth Aguilar (calf), Jervy Cruz (bone spur) at Sol Mercado (knee).
Sa kabutihang palad, pinayagan na ring makapaglaro ulit si Aguilar na inaasa-hang sasalang na sa laban ng Ginebra kontra sa NLEX bukas.