MANILA, Philippines — Patuloy ang paglipad ng Pocari-Air Force nang palubugin ang Iriga-Navy, 25-18, 25-18, 25-20, para maikonekta ang kanilang ikalawang sunod na panalo sa Premier Volleyball League Season 2 Open Conference sa Imus Sports Complex sa Cavite.
Bumida sa pagkakataong ito si outside hitter Mary Ann Pantino na gumawa ng 12 puntos galing sa 10 attacks at dalawang aces para pamunuan ang Lady Warriors na umangat sa 2-1 baraha.
“Ini-improve namin ‘yung mga weaknesses namin tulad ng service tsaka receive namin. So doon talaga kami nag-focus kasi ‘yun talaga ang medyo kahinaan namin sa past few games namin,” ani Pantino.
Hindi pa rin mawawala ang solidong kontribusyon ni team captain Myla Pablo, habang nagbigay rin ng matatalim na atake sina middle blockers Dell Palomata at Jeanette Panaga gayundin si Iari Yongco at Elaine Kasilag.
Minanduhan naman ni seasoned setter Wendy Anne Semana ang pag-orchestra sa opensa ng Lady Warriors para pigilan ang anumang pagtatangka ng Lady Oragons.
Kagaya ng dati, problema ng Lady Oragons ang errors na malaking balakid sa una nilang mga laro.
Nakakasabay ang Iriga-Navy dahil nariyan sina Grazielle Bombita na kayang bumomba ng malulupit na attacks.
Subalit hirap ang Lady Oragons na isara ang laro dahil sa mga unforced errors tulad ng service error sa third set na siyang nagbigay sa Lady Warriors ng panalo.
Magpapatuloy ang aksyon sa The Arena sa San Juan City tampok ang bakbakan ng Tacloban at Adamson University sa alas-4.
Umaasa naman ang Iriga-Navy na makakabawi sila sa Petro Gazz sa alas-6 ng gabi.