Ancajas ready na

MANILA, Philippines — Kagaya ng inaasahan, madaling nakuha ni Filipino world super flyweight king Jerwin Ancajas ang weight limit sa official weigh-in kahapon.

 

Kaya naman inaasahang mapapabagsak niya si Mexican challenger Alejandro Santiago ngayon (Manila time) sa Oracle Arena sa Oakland, California.

Tumimbang si Ancajas (30-1-1, 20 knockouts) ng 114.2 pounds habang nasukatan si Santiago (16-2-4, 7 KOs) ng 114.6 pounds para kapwa pumasok sa weight limit na 115 pounds.

Ito ang pang-anim na sunod na pagkakataon na itataya ni Ancajas ang kanyang bitbit na International Boxing Federation super flyweight crown.

Sakaling mapatumba niya ang 22-anyos na si Santiago ay malaki ang tsansang makatapat ni Ancajas ang sinuman kina World Boxing Council king Srisaket Sor Rungvisai (46-4-1, 41 KOs) ng Thailand at World Boxing Association titlist Khalid Yafai (23-0-0, 14 KOs) ng United Kingdom para sa isang unification championship fight.

Ngunit tiniyak ng tubong Panabo, Davao del Norte na hindi niya babalewalain si Santiago.

“Me and my team don’t underestimate any opponent. We’re focused on the task at hand. If Top Rank gives us another fighter in the next one, we’ll be ready to fight him,” wika ni Ancajas, nagmula sa unanimous decision win laban kay Cebuano challenger Jonas Sultan noong Mayo 26 sa Fresno, California.

Kumpiyansa naman si Santiago na maagaw niya kay Ancajas ang suot nitong IBF super flyweight belt pauwi sa Tijuana, Mexico.

“I think that tomorrow I’m gonna be the new champion,” pagdedeklara ni Santiago na lalaban sa kanyang unang world championship fight.

Bukod kay Ancajas, lalaban din sa undercard si Genesis Servania (31-1-0, 14 KOs) ng Bacolod City kontra kay Mexican Carlos Carlson (23-4-0, 14 KOs) sa isang non-title bout.

Kung tatalunin ni Servania si Carlson ay itatapat ni Bob Arum ng Top Rank Promotions ang Pinoy fighter kay WBO junior featherweight ruler Isaac Dogboe sa susunod na taon.

Show comments