JAKARTA—Malaki ang tsansa ni Fil-Am trackster Eric Shawn Cray na maitakbo ang gold medal sa men’s 400-meter hurdles sa 18th Asian Games.
Ito ay kung maduduplika niya ang kanyang itinakbo sa semifinals ng Olympic Games noong 2016 sa Rio de Janeiro, Brazil.
Tatakbo si Cray ngayong alas-11 ng umaga sa qualifying ng 400m hurdles.
Huling nanalo ng medalya ang Pilipinas sa athletics event ng Asian Games noong 1994 sa Hiroshima kung saan lumundag ng bronze medal si Elma Muros-Posadas.
Nagposte ang 29-anyos na si Cray ng bilis na 49.37 segundo sa semifinals ng Rio Olympics.
Noong 2014 Incheon Asian Games ay nagtala ng 49.71 segundo si gold medal winner Ali Khamis ng Bahrain.
“If everything goes right, many of our athletes can spring some surprises,” sabi ni Philippine Athletics Track and Field Association president Dr. Philip Ella Juico.
Kumuha ang two-time 400m hurdles king ng SEA Games (Myanmar at Singapore) ng gold medal sa 400m hurdles ng 2017 Asian Athletics Championships at silver medal sa 600m run ng 2017 Asian Indoor and Martial Arts Games.
Nagtala si Cray ng 51.47 segundo sa Incheon noong 2014 Asiad.