Filipino athletes pupuntirya ng gold
JAKARTA— Iinit na ang aksiyon ngayon sa pagbubukas ng kompetisyon ng 14 pang sports kung saan may kabuuang 20 gold medals ang paglalabanan sa unang araw ng 18th Asian Games sa iba’t ibang venues dito.
Susubok ang mga fencers, poomsae athletes, shooters, wushu artists, wrestlers at swimmers na makasungkit ng medalya sa kani-kanilang events.
Sasabak ngayon sa Jakarta Convention Center ang men’s team nina Dustin Jacob Mella, Jeordan Dominguez at Rodolfo Reyes, lalahok din sa individual event kung saan apat na gold ang paglalabanan — men at women’s team at individual poomsae.
Ang women’s team ay binubuo naman nina Juvenile Faye Crisostomo, Rinna Babanto, Janna Dominguez Oliva at Jocel Lyn Ninobla na sasali rin sa individual category.
Sa parehong lugar din gagawin ang fencing kung saan dalawang gold ang paglalabanan sa men’s epee at women’s sabre.
Ang fencing team na pinangungunahan ng Philippine Chief of Mission na si Ormoc City Mayor Richard Gomez ay binubuo nina Samantha Kyle Catantan, Maxine Esteban, Wilhelmina Lozada at Justine Tinio sa women’s foil individual at team event; Brenan Louie, Nathaniel Perez at Michael Nicanor sa men’s foil individual at team; at Hanniel Abella na tanging entry sa women’s individual epee.
Limang gold naman ang nakataya ngayon sa wrestling na gagawin din sa Jakarta Convention Center kung saan ang tanging entry ng Pinas ay sina Alvin Lobrequito at Jefferson Manatad.
Pinakamaraming paglalabanang gold ngayon sa swimming sa Aquatics Center ng Gelora Bung Karno Sports Complex na may pitong nakataya.
Pamumunuan ni Jasmine Alkhaldi ang tatlong swimers na entry ng Pinas.
Dalawang gold medal sa shooting -- 10m air rifle at air pistol mixed events -- kung saan sasalang sina Jayson Valdez at Amparo Teresa Acuna sa shooting range ng Jakabaring Sports City Palembang.
Tanging ang gold sa men’s changquan ang nakataya ngayon sa wushu sa Jakarta International Expo kung saan may walong entry ang Pinas sa pangunguna nina Daniel Parantac at Divine Wally.
Sasagupain naman ng Phl women’s softball ang Hong Kong sa alas-8 ng gabi (9 p.m. Sa Manila) sa GBK softball field.
- Latest