MANILA, Philippines — Kapwa asam ng Letran Knights at St. Benilde Bla-zers ang ikatlong panalo sa kanilang paghaharap ngayon sa “NCAA on Tour” ng 94th NCAA basketball tournament sa Letran Gymnasium sa Intramuros, Manila.
Sa ngayon, hawak ng Knights ang 2-1 win-loss kartada habang 2-2 naman ang Blazers bago sa kanilang pagtatagpo sa alas-4 ng hapon.
Hangad naman ng CSB-DLSU Greenies ang pang-apat na panalo sa pagtatagpo kontra sa Letran Squires sa alas-2 ng hapon sa Juniors division.
Ang tanging talo pa lamang ng Letran ay sa Perpetual Help Altas, 75-78, noong Hulyo 13, ngunit mula noon, rumatsada sila ng dalawang sunod panalo, ang una ay sa San Sebastian Stags, 83-76, noong Hulyo 20 at sinundan ng 74-58 panalo sa Jose Rizal Heavy Bombers sa pangunguna nina Larry Muyang at Chris Fajarito noong Biyernes lamang.
Kung manalo ang Knights, makukuha nila ang solo third spot sa likuran ng nangungunang Lyceum Pirates (5-0) at pumapangalawang San Beda Red Lions (3-0).
Kaya sa tulong ng home crowd, malaki ang tsansa na makuha nila ang panalo.
“We hope to continue to take advantage of our size the way we did in our past games,” sabi ni Letran coach Jeff Napa.
Ngunit tiyak na malaking problema ng Knights si 6’7 Cameroonian import na si Clement Leutcheung ng Blazers. Si Leutcheung ay umani ng 20 puntos at 14 rebounds sa panalo ng Blazers laban sa JRU Bombers, 81-66 noong Martes.