MANILA, Philippines — Nabigong samantalahin ni Filipino Gran d Master Jayson Gonzales ang kanyang tsansang manalo at nakuntento sa 66-move draw kay eighth seed GM Kevel Oliva Castañeda ng Cuba para tumapos sa 15th place sa pagtiklop ng XX Obert Internacional Sant Marti 2018 sa Barcelona, Spain noong Sabado ng gabi.
Nabigo ang 49-anyos na si Gonzales sa pagsulong ng winning queen move na nagresulta sa kanilang queen exchange at isang pawn edge kay Oliva Castañeda.
Nagpakita naman si Oliva Castañeda ng superb endgame technique para makabawi ng pawn at makapuwersa ng draw kay Gonzales.
Nauna nang tumapos si Gonzales sa fifth sa nakaraang Barbera del Valles sa Barcelona.
Nakipag-draw din ang mga estudyante ni Gonzales na sina Woman GM Janelle Mae Frayna at International Master John Marvin Miciano kina IM Alexey Fernandez Cardoso ng Cuba at Torbjorn Glimbrant ng Sweden, ayon sa pagkakasunod.
Tumapos si Frayna sa No. 21, habang pumuwesto si Miciano sa No. 29.
Samantala, kaagad sinimulan nina Frayna, Miciano at Gonzales ang kanilang kampanya sa 44th Sitges International sa La Penya Chess Casino Prado Suburense de Sitges kahapon.
Bukod sa pagtarget sa inaasam na GM title, pinaghahandaan din ni Frayna ang paggiya sa women’s team sa 2018 World Chess Olympiad sa Setyembre sa Batumi, Georgia.