Globalport lusot sa Rain or Shine

MANILA, Philippines — Bilang No.8 team ay wala sa Globalport ang ‘pressure’ kundi nasa No. 1 na Rain or Shine, na nagbitbit ng ‘twice-to-beat’ incentive’ sa quarterfinal round.

Kumpiyansang isinal-pak ni guard Jonathan Grey ang ikatlo niyang three-point shot sa natitirang 11.5 segundo sa fourth period para kumpletuhin ang pagbangon ng Batang Pier mula sa 16-point deficit at lusutan ang Elasto Painters, 114-113, sa 2018 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

“Iyong pressure wala naman sa amin eh, nasa Rain or Shine,” sabi ni Grey, humugot ng 12 sa kanyang 22 points sa final canto at nagtala ng 3-of-7 shooting sa 3-point line.

Pag-aagawan ng Batang Pier at Elasto Painters ang semifinals ticket bukas sa Big Dome.

Ipinoste ng Rain or Shine ang 16-point lead, 89-73, galing sa dalawang free throws ni import Reggie Johnson sa huling 1:57 minuto ng third period, habang naghulog ang Globalport ng 18-2 bomba para maitabla ang labanan sa 91-91 sa 9:31 minuto ng fourth canto.

Huling nakuha ng Elasto Painters ang kalamangan sa 113-111 buhat sa split ni Maverick Ahanmisi sa nalalabing 16.2 segundo kasunod ang game-winning triple ni Grey sa huling 11.5 segundo para sa resbak ng Batang Pier.

Samantala, tatangkain naman ng No. 5 Ginebra at No. 6 San Miguel na tapusin ang kani-kanilang best-of-three showdown ng No. 4 Meralco at No. 3 TNT Katropa, ayon sa pagkakasunod para umabante sa best-of-five semifinals series.

Haharapin ng Gin Kings ang Bolts nga-yong alas-4:30 ng hapon, habang makakatapat ng nagdedepensang Beermen ang Tropang Texters sa alas-7 ng gabi sa Game Two sa Big Dome.

Show comments