MANILA, Philippines — Winalis ni Jeffrey De Luna ang lahat ng laban nito upang matamis na angkinin ang kampeonato sa 6th Annual Cole Dickson Memorial Championship na ginanap sa Family Billiards sa San Francisco, California.
Itinarak ni De Luna ang pukpukang 8-6 desis-on laban kay American Tony Chohan para masiguro ang $2,300 papremyo.
Nagkasya sa $1,600 konsolasyon si Chohan.
Nakahirit ng opening round bye si De Luna bago manaig kina Von Ryan Mendoza sa second round, Jason Williams sa third round, Bonnie Og sa fourth round, Yoli Handoko sa fifth round at Ian Costello sa quarterfinals.
Iginupo ni De Luna si Chohan sa semifinals ng winners’ bracket sa bendisyon ng 8-6 desisyon para makuha ang unang silya sa finals.
Nahulog sa losers’ column si Chohan kung saan nagtala ito ng sunud-sunod na panalo kabilang ang 6-5 tagumpay kay Lance Salazar sa ikalawang semis game para muling makaharap si De Luna sa finals.
Subalit bigong makaresbak si Chohan nang muling kapitan ng suwerte si De Luna sa kanilang championship showdown.
Ito ang ikalawang titulo ni De Luna sa taong ito matapos pagharian ang 2018 Sunshine State Pro-Am Tour noong nakaraang buwan sa Ocala, Florida.