MANILA, Philippines — Kagaya ng Barangay Ginebra, naging abala din ang Globalport sa pakikipag-trade sa ibang koponan sa gitna ng 2018 PBA Commissioner’s Cup.
Bago ang trade deadline ngayong araw ay dinala ng Batang Pier ang temperemental big man na si Kelly Nabong sa nagdedepensang San Miguel Beermen para makuha si power forward Gabby Espinas.
Ang 6-foot-6 na si Nabong ang ikalawang player na inilipat ng Globalport matapos ibigay si small forward Julian Sargent sa Barangay Ginebra para mahugot si guard Paolo Taha noong Martes.
Nawala sa rotation si Espinas, ang No. 5 pick noong 2006 PBA Rookie Draft, sa pagdating ni 6’8 Fil-German Christian Standhardinger sa San Miguel.
Muling maglalaro ang 6’5 na si Espinas para sa Batang Pier na nauna niyang nilaruan noong 2015.
Naglaro din si Espinas, dating NCAA Rookie MVP winner para sa Philippine Christian University Dolphins, para sa Air21, Barako Bull, Sta. Lucia, Meralco at Alaska. Ang San Miguel ang magiging ikatlong koponan ni Nabong matapos ang Meralco at Globalport.