MANILA, Philippines — Bibiyahe patungong Chinese-Taipei ang Gilas Pilipinas sa Hunyo 25 para sa krusyal na third at huling window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Lalaban ang Nationals kontra sa home team na Taiwan sa Hunyo 29 sa Taipei Heping Basketball Gymnasium bago naman salubungin ang Australia sa Hulyo 2 para sa home game sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Bagama’t buong puwersa na sa pagdating ng naturalized player na si Andray Blatche noong nakaraang Sabado ay isang beses pa lamang nakakapagsanay ang buong koponan ng Gilas Pilipinas na ikinakabahala ni coach Chot Reyes.
Bunsod ng mga laro ng Gilas players sa kanilang mother teams sa idinaraos na Philippine Basketball Association (PBA) Commissioner’s Cup ay tuwing Lunes lamang nakapagsasanay ang koponan.
“Sa 25 ang alis natin pa-Taipei. When we get to Taipei, that’s also the first practice we will have as a full team,” ani Reyes.
Magkakaroon ng apat na araw na pagsasanay ang Gilas Pilipinas bago ang laro kontra sa host team na Taiwan na balak nilang ulitan ng panalo matapos ang 90-83 tagumpay sa una nilang paghaharap sa first window noong nakaraang Nobyembre sa Smart-Araneta Coliseum.
“Wala na, tinanggal ko na sa isip ko yung preparation eh. That’s a dream. So we’ve taken that word preparation out of our vocabulary. We’re just making do with what we have,” saad ni Reyes sa isa namang maikling preparasyon ng koponan.
Sa ngayon ay nakikipagsanay si Blatche araw-araw kasama ang koponan ng TNT Katropa upang mapanatili ang kundisyon habang hinihintay ang Lunes na siyang tanging ensayo ng koponan bago tumungo sa Taipei.
May hawak na 3-1 kartada sa likod ng wala pang talong Australia (4-0), swak na susunod na round ang Gilas ngunit hangad na maparami pa ang panalo bunsod ng carry-over format sa next phase.
“This last window is all about improving our position in the next round. So, we’re not even thinking about the fact na pasok na tayo,” pagtatapos ni Reyes.
Upang magbigay suporta naman sa kampanya ng pambansang koponan ay walang larong isasagawa ang PBA mula sa Hunyo 25 hanggang Hulyo 3.