MANILA, Philippines — May mahika pa rin si Efren ‘”Bata” Reyes.
Winalis ng dating World 9-Ball champion ang lahat ng kanyang asignatura para masungkit ang korona ng 3rd Annual 8-Ball Classic sa The Break Room sa Duluth, Minnesota.
Kabilang sa mga pinabagsak ni Reyes ay si American cue master Dennis Hatch sa championship round kung saan naitala niya ang 15-13 desisyon para maibulsa ang $8,000 premyo.
Nagkasya lamang sa $6,000 konsolasyon si Hatch.
Nagpalitan ng racks ang dalawang matikas na players ngunit nagsimulang lumayo si Reyes matapos kunin ang 9-4 bentahe.
Nagawang makalapit ni Hatch nang idikit ang iskor sa 11-9.
Gamit ang malulupit na breaks at suwabeng ball placement, muling umabante si Reyes hawak ang 14-9 abante.
Hindi nawalan ng pag-asa si Hatch nang kubrahin ang apat na sumunod na racks para muling lumapit sa 13-14.
Subalit isang dry break sa 28th rack ang tumapos sa pag-asa ni Hatch.
Tinalo ni Reyes sina Danny Olson 1st round (15-7), Vince Chambers sa 2nd round (15-13) at Alex Pagulayan sa quarterfinals (15-11).