Nakatabla ang Utah

HOUSTON — Nagpasabog si Joe Ingles ng career-high na 27 points para tulungan ang Utah Jazz na muling makontrol ang laro matapos magtala ng double-digit lead at kunin ang 116-108 panalo laban sa Rockets sa Game Two ng kanilang Western Conference semifinals series.

Nagsalpak si Ingles ng career-best na pitong three-pointers at nagdagdag naman si star rookie Donovan Mitchell ng 17 points at 11 assists para itabla ang Utah sa Houston sa 1-1 sa kanilang best-of-seven series.

Humakot si center Rudy Gobert ng 15 points at 14 rebounds.

Matapos magtala ng 19-point lead sa first half ay nahulog ang Jazz sa two-point deficit sa Rockets sa walong minuto sa fourth period bago gumamit ng 16-2 atake para kunin ang panalo.

Nakatakda ang Game Three sa Sabado (Manila time) sa Utah.

Matapos mabaon sa 25-point deficit sa halftime sa 96-110 kabiguan sa series opener ay kaagad nag-init ang opensa ng Jazz para iwanan ang Rockets bitbit ang 19-point advantage sa first half.

Naagaw ng Houston ang bentahe sa third quarter bago nanlamig sa fourth period na siyang sinamantala ng Utah para kunin ang 100-94 kalamangan mula sa one-handed follow up dunk ni Mitchell.

Umiskor naman si James Harden para sa 96-100 agwat ng Rockets na sinagot naman ng Jazz sa pamamagitan ng 8-0 atake, tampok dito ang dalawang triples ni Ingles, para sa kanilang 108-96 kalamangan sa huling 4:30 minuto ng laro.

Nagtumpok sina Alec Burks, Jae Crowder at Dante Exum ng pinagsamang 41 points mula sa 15 of 28 field goal shooting para sa Utah.

Tumapos si Harden na may 32 points at 11 assists habang nagdagdag si Chris Paul ng 23 points para sa Houston, nalasap ang unang talo sa kanilang huling anim na laban ng Utah.

Show comments