BOSTON – Diniskaril ng dalawang rising stars ng Celtics ang pagpapakitang-gilas ng ‘The Process’ ng 76ers para kunin ang Game One ng kanilang Eastern Conference semifinals series.
Humataw si substitute point guard Terry Rozier ng 29, habang umiskor si first-year Celtics forward Jayson Tatum ng career-high na 28 markers para pamunuan ang Boston sa 117-101 paggupo sa Philadelphia.
Sa pagpukaw ng atensyon nina Ben Simmons at Joel Embiid ng 76ers, nagpasikat naman sina Tatum at Rozier para sa Celtics.
“It’s been a dream come true. I want to keep going,” sabi ni Rozier, nagsuot ng Drew Bledsoe Patriots jersey para asarin si Milwaukee Bucks guard Eric Bledsoe. “I’m just a guy just living in the moment.”
Pinamunuan ni Rozier ang Boston sa pagsibak sa Milwaukee sa first round.
Humakot naman si Embiid ng 31 points at 13 rebounds sa panig ng Philadelphia, nalasap ang ikalawang kabiguan sa huli nilang 22 laro.
Nagdagdag si Simmons, ang inaasahang hihiranging Rookie of the Year, ng 18 markers, 7 boards at 6 assists.
“We’re NBA players and we have to be ready,” wika ni Embiid. “We weren’t ready tonight.”
Matapos ang layup ni Simmons na nagdikit sa 76ers sa 88-97 agwat, kumonekta naman si Al Horford ng three-pointer para muling ilayo ang Celtics sa 100-88 sa huling 5:30 minuto ng fourth period.
Humakot si Horford ng 26 points at 7 rebounds para sa Boston na pamamahalan ang Game Two sa Biyernes (Manila time).
Umaasa ang Celtics na makakapaglaro si guard Jaylen Brown sa Game Two matapos magkaroon ng hamstring injury sa kanilang panalo sa Game Seven laban sa Milwaukee sa first round.
Hindi rin naglalaro sina Kyrie Irving at Gordon Hayward para sa Boston.
“It’s been great to see Jayson and Terry and just our guys play like that,” ani Horford.