Aminado si coach Ronnie Magsanoc at ang pamunuan ng SBP na mahirap na daan ang tatahakin ng Philippine team sa FIBA 3x3 World Cup, kalaban ang Russia, Brazil, Canada at Mongolia sa group play.
Sina Christian Standhardinger, Stanley Pringle, Troy Rosario at RR Pogoy ang bumubuo ng Team Phl na seeded na pangalawa sa huli sa 20 teams na magbabakbakan sa event na nakatakda sa June 8-12 sa Bocaue, Bulacan.
Naniniwala naman si Magsanoc na may dalawang malaking bagay na pwedeng makatulong sa Pilipinas para makapagpakita ng maganda.
“We build a young team na hindi kilala sa 3x3 World Tour. May dalawang bagay na maaaring maging advantage natin – element of surprise at ang homecourt advantage,” ani Magsanoc.
“Hopefully, the four chosen ay hindi pa nakikita ng mga kalaban. Yung mga kalaban, buong taon in the last three to five years diretso ang laro. Trabaho na nila ang 3-on-3. We’re banking on that and hopefully it would work for us,” dagdag pa ni Magsanoc.
Umaasa si SBP president Al Panlilio na makapagpapakita nang maganda sina Standhardinger, Pringle, Rosario at Pogoy at nang lumaki ang awareness sa bansa sa 3x3 na nakatakda nang ilaro sa Olympics sa 2020.
Ayon kay Panlilio, tinutulak sila ng FIBA na pagtuunan ng pansin ang 3x3 para sa dagdag na tsansa na makatuntong sa Olympics.
“We have to assess what would be the right program para hindi naman natin masyadong magulo ang PBA. Because there’s a global 3x3 world tour. Yung iba talagang focused dito. May mga players sila na 3x3 lang talaga ang nilalaro. Trabaho nila ito,” sabi ni Panlilio.
Yun ang kadahilanan kaya’t mas mataas ang seeding ng Mongolia (No. 11) kaysa sa Pilipinas. Focused ang Mongolia sa 3x3 kaysa sa 5-on-5.
Maaaring may magtanong bakit wala si Terrence Romeo o si Calvin Abueva.
“Siguro hindi lang namin tiningnan ang kakayahan nila to play basketball. Tiningnan namin ang kakayahan nila to fit in sa 3-on-3 mold. Magkaibang-magkaiba kasi,” ani Magsanoc.
“We felt it’s not only offense but the ability to guard multiple positions based on the four teams we’re facing. Kung hahanapin mo lakas sa lakas, hindi tayo makakatapat. Meron kaming nakikitang pamamaraan na ang apat na players natin ay magiging competitive doon sa level na nilalaro ng mga makakalaban natin,” dagdag na paliwanag ni Magsanoc.