Batangas unang kampeon ng MPBL
MANILA, Philippines – Hindi na nag-aksaya pa ng oras ang Batangas at tuluyan nang tinapos ang pag-asa ng Muntinlupa sa pamamagitan ng 68-66 panalo sa Game Four ng best-of-five finals series upang angkinin ang titulo sa inaugural staging ng 2018 Maharlika Pilipinas Basketball League Anta Rajah Cup sa Muntinlupa City Sports Complex.
Nag-ambag ng kabuuang 36 puntos sina Moncrief Rogado, Bong Quinto at Paul Varilla upang tapusin ang serye, 3-1 at angkinin ang Php 1 million top prize at 24-inches trophy mula kay MPBL founder Sen. Manny Pacquiao.
Kahit talo, hindi rin umuwing luhaan ang Muntinlupa Cagers ni coach Aldrin Morante dahil nakatanggap din sila ng Php 500,000 runner-up prize mula kay 8-division world boxing champion Pacquiao.
Nagwagi ang Batangas Athletics ni coach Mac Tan sa Game One (70-64) at Game Two (78-74) sa kanilang homecourt kontra sa panalo ng Muntinlupa sa Game Three (82-77) sa teritoryo ng Cagers noong Martes.
Sinamantala rin ng Athletics ang kahinaan ng Cagers sa free throw lane kung saan umani lamang ang home team ng 15 sa 31 attempts sa charity lane. Mula sa 15-point deficit, 28-43, sa first half, naibaba na sana nina Pari Llagas at Dave Moralde ang agwat sa dalawang puntos lamang, 63-65 mahigit 18.2 segundo na lang ang nalalabi.
“I salute the effort ng Muntinlupa Cagers, tala-gang malakas sila. Biro mo lumamang pa kami ng 15 points. There’s no safe lead talaga. Babalik ng babalik talaga sila (Cagers). Mabuti na lang nanalo kami sa dulo,” dagdag ni Tan.
- Latest