Che’Lu-SSC vs Zark’s-LPU sa finals

MANILA, Philippines – Naitakda ng Che-’Lu Bar at Zark’s Burger Lyceum ang kanilang titular showdown para sa 2018 Philippine Basketball Association (PBA) Developmental League Aspirants’ Cup matapos ang kanilang magkahiwalay na panalo sa pagsasara ng semifinal round kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Winalis ng Che’Lu Bar and Grill-San Sebastian ang top seed na  Akari-Adamson sa best-of-three semifinals matapos ang 93-90 pag-eskapo sa unang laro habang nakompleto ng Zark’s-LPU ang cinderella run matapos walisin din ang Marinerong Pilipino bunsod ng 102-89 tambak na panalo sa ikalawang game sa magkahiwalay na Game Two para sa 2-0 sweep ng dalawang  best-of-three semifinal series.

Tabla ang laro sa 80-80 sa  huling 18.2 segundo, walang kaabug-abog na sinalpak ng bagong Reveller na si Jeff Viernes ang krusyal na jumper para sa 82-80 kalamangan.

Sa pagsablay ng Akari-Adamson sa panablang tira, nag-split si Viernes sa free throws para sa 83-80 na kalamangan hanggang sa masaksihan na lamang na sumablay ang halfcourt buzzer-beating triple ni Ejie Boy Mojica para sa upset.

Naiwan pa sa 3-22 ang Revellers ngunit hindi bumitiw hanggang dulo tungo sa pambihirang comeback win upang makaiwas sa do-or-die Game Three na siguradong sa Akari-Adamson na ang momentum.

Kinuha lamang bilang dagdag na puwersa sa playoffs, sinuklian ni Viernes ang tiwala ng koponan matapos pangunahang muli ang kanilang atake sa inilistang all-around na 17 puntos, pitong assists, tatlong rebounds at dalawang steals.

Nag-ambag naman ng 16 puntos si Allyn Bulanadi sahog pa ang apat na rebounds at dalawang assists habang mayroon ding 15 puntos si Cedrick Ablaza.

Nawalan ng saysay ang kumpletong 29 puntos, anim na rebounds, tatlong assists at tatlong steals ni Sean Manganti para sa Falcons. Ang isa naman sa top Most Valua-ble Player contender na si Jerrick Ahanmisi ay nagkasya lamang sa 11 puntos na lubusang ininda ng koponan.

Itutuon na lamang ng Adamson ang kanilang kampanya sa FilOil Flying V Pre-Season Premier Cup na magsisimula sa April 21.

Sa pangunguna ng 23 puntos ni CJ Perez, maitutuloy ng Jawbreakers ang kanilang cinderell run hanggang Finals mula sa pagiging ikaanim na puwesto lamang papasok ng playoffs.

Nagbuslo naman ng 31 puntos si Rian Ayonayon para sa Marinerong Pilipino na gaya ng Adamson na pinapoborang aabot sa Finals dahil sa 1-2 na pagtatapos sa eliminasyon. (ADimasalang)                 

Show comments