SMB waiting na lang kay Standhardinger

Christian Standhardinger
FIBA.com

MANILA, Philippines – Ngayong tanggal na ang koponan na Hong Kong Eastern sa Asean Basketball League, inaasahang maagang darating sa Pilipinas si Christian Standhardinger upang samahan ang San Miguel sa papalapit na 2018 Philippine Basketball Association (PBA) Commissioner’s Cup sa Abril 22.

Nagdedepensang kampeon ng ABL at pinapaborang makaulit ng kampeonato, biglang nalaglag ang Hong  Kong matapos walisin ng San Miguel-Alab Pilipinas, 2-0 sa best-of-three semifinals series kamakalawa ng gabi sa Sta. Rosa Multi-Sports Complex sa Laguna.

Bago ang kagulat-gulat na pagkatalo sa Alab, inasahan na ng SMB na sa Mayo pa nila makakasama si Standhardinger dahil siguradong aabot pa ang Hong Kong sa kampeonato ng ABL.

Ngunit sa biglaang pihit ng tadhana, napaaga ito dahil ang koponang San Miguel din ang pangalan ang  siya ring gumawa ng paraan upang matanggal na agad sa kontensyon si Standhardinger at ang Hong Kong.

Anumang oras mula ngayon ay inaa-sahang darating ang 6’8 Filipino-German sensation at sa pagbabalik ng ensayo ng Beermen sa Abril 20 ay makikita siya sa kauna-unahang pagkakataon kasama ang lalong pinalakas na Beermen.

Kampeon ng nakalipas na apat na Philippine Cup ang SMB at siyang may  hawak din ng titulo sa napipintong Commissioner’s Cup, lalong madaragdagan ng puwersa ang kargado ng Beermen na siyang pinapaborang muli para sa isa namang kampeonato.

Sa kampo ng Beermen ay magbubuo siya ng triple tower combo kasama sina 6’8 import Troy Gillenwater at 6’10 June Mar Fajardo na siyang reigning 4-time Most Valuable Player ng PBA.

Pinakamagilas sa All-Pinoy Cup ang SMB bunsod ng pambihirang 98.7 puntos kada laro.

May 23.1 puntos, 11.7 rebounds, 2.4 assists at 1.4 steals si Standhardinger para sa Hong Kong sa ABL. (AD)

Show comments