SMB-Alab, Lions mag-uunahan sa 1-0 lead
MANILA, Philippines — Malaking hamon para kina imports Renaldo Balkman at Justin Brownlee ng San Miguel-Alab Pilipinas ang kanilang pagharap laban sa nagdedepensang Hong Kong Eastern Lions sa Game One ng best-of-three semifinal series nila sa 8th ASEAN Basketball League sa Southorn Stadium sa Wan Chai, Hong Kong.
Sa unang pagkakataon ay makakaharap nina Brownlee at Balkman ang mga imports ng Hong Kong na sina Tyler Lamb, Marcus Elliott, Ryan Moss at Christian Standhardinger sa kanilang pagtatagpo ngayong alas-8 ng gabi.
Hangad ni coach Jimmy Alapag na malampasan ang kanilang semifinal finish sa nakaraang taon kung saan winalis sila ng Singapore Slingers, 0-2.
Magtutuos naman ang top seed Chong Son Kungfu ng China at No. 4 seed Mono Vampire ng Thailand sa homecourt ng Chinese team.
Kung matatandaan ay dalawang beses inilampaso ng Hong Kong ang Alab Pilipinas sa elimination round, ang una ay 92-89, sa Mall of Asia Arena at ang ikalawa ay 99-96 sa homecourt ng Eastern Lions.
Ngunit hindi pa sina Balkman at Brownlee ang imports ng Alab kundi sina Ivan Johnson at Reggie Okosa kung saan nag-umpisa ang tropa ni Alapag sa mahinang 1-4 kartada.
“It’s gonna be a show. Just like every day, every night. We go out and give a show for the fans. It’s gonna be a good one. They haven’t seen us yet, it will be our first time playing them, their first time playing us,” sabi ng 33-anyos na si Balkman ng Puerto Rico.
- Latest