Lady Eagles bumawi
MANILA, Philippines — Bumawi ang Ateneo de Manila sa natamong pagkabigo sa kamay ng De La Salle sa pagtatapos ng first round matapos walisin ang Far Eastern University, 25-19, 25-21, 25-17 kahapon sa pagbubukas ng second round ng UAAP Season 80 volleyball tournament sa Filoil Flying V sa San Juan City.
Nag-step-up sa kanyang laro si Kat Tolentino upang pangunahan ang nasabing panalo na nagtabla sa kanila sa biktima nilang Lady Tams sa ikatlong puwesto sa parehas na 5-3 panalo-talo.
Nagposte si Tolentino ng 11-puntos, lahat galing sa attack points upang giyahan ang Lady Eagles sa pagbawi sa kanilang first round tormentor.
Sa unang women’s game, naitala ng University of the East ang ikalawang sunod na upset win matapos igupo ang University of Santo Tomas, 25-23, 18-25, 28-25, 26-24 para sa ikalawang dikit din nilang tagumpay ngayong season.
Umiskor ng 21 puntos si Mary Ann Mendrez , 15 dito ay buhat sa hits habang nag-ambag naman si Shaya Adorador ng 15-puntos para manguna sa panalo ng Lady Warriors.
Ang pagkatalo, ika-4 na dikit ng Tigresses, pinamunuan ni Cherry Rondina na may game-high na 25-puntos, ang naglaglag sa kanila sa markang 2-6.
Dahil sa panalo, natumbasan na ng Lady Warriors ang naitala nilang kabuuang panalo noong nakaraang Season 78 at 79.
Sa men’s division, ipinoste ng defending champion Ateneo de Manila ang kanilang ikapitong sunod na panalo pagkaraang igupo ulit ang De La Salle University, 25-18, 19-25, 25-17, 25-17.
Umiskor ng 22-puntos si reigning four-time MVP Marck Espejo, 19 dito ay galing sa hits habang nag-ambag ng 10 puntos si skipper Karl Baysa upang pamunuan ang panalo na nag-angat sa kanila sa solong pamumuno taglay ang 7-1 panalo-talo.
Nanguna sa DLSU Spikers na bumaba sa barahang 3-5 kapantay ng University of the Philippines at ng biktima nito sa unang laro na University of Santo Tomas, si Arjay Onia na may 15 puntos.
Bunga ng nasabing kabiguan, bumagsak ang La Salle sa markang 3-5, panalo-talo kapantay ng University of the Philippines at ng biktima nito sa unang laro na University of Santo Tomas.
Hindi pa rin makapagpakita ng inaasahan sa kanilang laro, bumagsak ang Tigers sa Fighting Maroons sa loob ng straight sets, 26-28, 18-25, 23-25. FML
- Latest