Makakapagpahinga ng mahaba ang ROS

James Yap, Raymond Almazan at Jericho Cruz

MANILA, Philippines — Sa ikatlong playdate pa ng darating na 2018 PBA Philippine Cup makikita sa aksyon ang Rain or Shine.

Sinabi ni head coach Caloy Garcia na sapat na ito para mabigyan ng panahong makarekober sina two-time PBA most Valuable Player James Yap, center Raymond Almazan at Jericho Cruz bago ang pagsagupa ng Elasto Painters laban sa TNT Katropang Texters sa Disyembre 22.

Kasalukuyan nang nagpapalakas ng kanyang katawan si Yap habang nagpapahinga naman ang 6-foot-8 na si Almazan matapos kumampanya bilang miyembro ng Gilas Pilipinas at nagkaroon ng knee injury si Cruz sa nakaraang four-team mini tournament.

Posible namang sa Enero pa ng susunod na taon makita sa aksiyon sina veteran center Jay Wa-shington at defensive guard Jireh Ibañes bunga ng kanilang mga injury.

Kumpara sa ibang PBA teams ay tanging si Rey Nambatac, dating player ni Garcia sa Letran Knights sa NCAA, ang nadagdag sa koponan ng Rain or Shine.

Sa kabila ng injury sa kanilang mga kamador ay hinirang pa ring kampeon ang Elasto Painters ng PBA preseason pocket tournament.

Tinalo ng Rain or Shine ang Phoenix at NLEX at yumukod sa Alaska sa nasabing torneo.

Matapos ang Tropang Texters ay lalabanan ng Elasto Painters ang Blackwater Elite sa Disyembre 29 sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

Magbubukas ang All-Filipino Cup sa Disyembre 17 kung saan sisimulan ng San Miguel ang kanilang pagdedepensa sa korona laban sa Phoenix sa Smart Araneta Coliseum.

Show comments