Si Irving pa rin ang kumakamada
DALLAS - Halos ordinaryo na itong ginagawa ni All-Star guard Kyrie Irving.
Kumamada si Irving ng 47 points para pangunahan ang Boston Celtics sa 110-102 overtime victory laban sa Mavericks.
Ito ang pang-16 sunod na ratsada ng Boston matapos ang 0-2 panimula.
Nagsalpak si Irving ng limang three-pointers at humablot ng 3 rebounds para ibangon ang Celtics mula sa 10-point deficit, 79-89 sa huling limang minuto sa fourth period.
Umiskor naman si Jaylen Brown ng 22 points habang nagdagdag sina Jayson Tatum at Marcus Smart ng 15 at 12 markers, ayon sa pagkakasunod.
Binanderahan ni Harrison Barnes ang Mavericks sa kanyang 31 points kasunod ang 18 markers ni Wesley Matthews.
Nag-ambag din sina J.J. Barea at German ve-teran Dirk Nowitzki ng 16 at 14 points, ayon sa pagkakasunod para sa Dallas.
Sa New Orleans, kumolekta si Anthony Davis ng 36 points at 15 rebounds para tulungan ang Pelicans na talunin ang Oklahoma City Thunder, 114-107.
Napatalsik sa laro si New Orleans center DeMarcus Cousins, humakot ng 18 points at 9 rebounds, matapos matawagan ng flagrant foul dahil sa pagsiko kay Oklahoma City star guard Russell Westbrook sa huling limang minuto sa third quarter.
Matapos makuha ang rebound ay iniangat ni Cousins ang kanyang mga siko at natamaan sa mukha si Westbrook, tumapos na may 22 points, 16 rebounds, 12 assists at 3 steals.
Hawak ng Thunder ang 76-72 abante nang masibak sa laro si Cousins ngunit ang 11-3 bomba sa pagtutulungan nina Jameer Nelson, E’Twaun Moore at Darius Miller ang nagbigay sa Pelicans ng kalamangan.
Nagdagdag si Jrue Holiday ng 18 points para sa New Orleans, tinapos ang two-game losing skid.
Humataw naman si Paul George ng anim na tres para sa kanyang 26 points at may 19 markers si Carmelo Anthony sa panig ng Oklahoma City.
- Latest