Pasaol inihatid ang UE sa panalo laban sa UST

Binigyan ng foul ni Alvin Pasaol ng UE si Zach Huang ng UST. (PM photo ni Joey Mendoza)

MANILA, Philippines — Umiskor si Alvin Pasa­ol ng 32 puntos para iangat ang University of the East sa 96-91 panalo laban sa minamalas na University of Sto. Tomas, habang tinambakan ng Adamson ang FEU, 95-79, kahapon sa 80th UAAP seniors basketball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Nagtala rin si Pasaol, ng 10 rebounds,  2 assists at 2 steals para ipasok ang Red Warriors sa win co­lumn (1-6).

Ang España-based namang Growling Tigers ay nanatili sa ilalim ng standings sa 0-7 kartada.

Isang puntos lamang ang namamagitan ng da­lawang koponan, 92-91, pabor sa UE sa huling mi­nuto ng laban, ngunit pi­nalawak ni Pasaol sa tatlo, 94-91, ang kanilang abante laban sa UST sa huling 22.7 segundo sa la­ro.

Mula sa foul ni Marvin Lee ng Growling Tigers ay kinumpleto ni  Philip Manalang ang da­lawang free throws para sa final score.

“The effort against La Salles was really awesome. We used it as a springboard for our game against UST,” sabi ni Red Warriors’ coach Derrick Pu­maren na tinukoy ang ka­nilang 100-106 pagkatalo sa La Salle Green Archers kung saan humataw si Pasaol ng 49 puntos noong Miyerkules.

Nag-ambag naman ng 20 mar­kers si Manalang.

 

Show comments