MANILA, Philippines — Pinabagsak ng San Beda ang Lyceum of the Philippines University, 3-1 para makopo ang seniors title habang pinasadsad ng Letran Squires ang Perpetual Altaletes, 3.5-.5 para naman sa juniors crown sa pagtatapos ng 93rd NCAA chess competitions sa LPU Auditorium nitong weekend.
Nagsipanalo sina FIDE Master Mari Joseph Turqueza at Marc Christian Nazario sa boards one at three habang nakipag-draw sina McDominique Lagula at Prince Mark Aquino sa second at fourth boards, ayon sa pagkakasunod para sa matagumpay na pagdedepensa ng kanilang titulo.
Sumandal naman ang Squires sa panalo nina Christian Mark Daluz, Melito Ocsan, Jr. at Eric Ro-bert Yap sa unang tatlong boards habang nakipag-draw naman si Alexis Anne Osena para makopo ang titulo.
Naging sorpresa sa lahat ang Perpetual woodpushers nang magtapos sila bilang third para makapasok sa Final Four pagkatapos ng elimination round.
Sinilat ng Perpetual Help ang second seed San Beda ng dalawang beses--una ang 2-2 draw na naging panalo dahil sa kanilang higher board victory at ang isa ay ang 3-1 panalo na nagtakda ng title duel kontra sa Letran.