Kuala Lumpur – Sa araw na medyo tahimik ang Team Philippines, biglang nag-ingay ang mga hindi inaasahang bagong bayani na sina Trenten Beram at Aries Toledo.
Hindi inakala ng karamihan na mananalo ng ginto ang Filipino-American na si Beram sa 200-m dash at sinundan pa ng isang ginto mula kay Toledo (6,894 points) sa decathlon event na siyang nagsalba sa inakalang bokyang araw ng Team Philippines.
Sa kanilang panalo, nanatili ang athletics na may pinakamaraming gintong medalya sa kanilang apat, ang una ay mula kina Mary Joy Tabal sa women’s ma-rathon at Eric Shauwn Cray sa men’s 400-meter hurdles.
Isang ginto na lang at malalampasan na ng athle-tics team ang limang gintong medalya na naiuwi mula sa Singapore Sea Games noong 2015.
Lamang kay Toledo ang 2014 Incheon Assian Games gold winner na si Suttisak Singkon ng siyam na puntos sa huling 10th event ng decathlon ngunit humataw sa men’s 1,500-m run sa 4:39.80 seconds para sungkitin ang gintong medalya.
“Nananalangin po ako sa itaas na huwag po akong bumigay kasi sa javelin (throw, the ninth event) pa lang sumasakit na ‘yong buong katawan ko,” sabi ni Toledo. “Sabi ko po sa sarili ko: para ito sa bayan, para ito sa bayan kaya di ako dapat magpatalo.”
Kumaripas naman si Beram sa huling 100 meters para angkinin ang ginto sa 200-m dash sa oras na 20.84 seconds at talunin ang Malaysian na si Khairul Hafiz, ang tumalo kay Cray sa 100-m dash.
“This feels great because this is my first SEA Games. I am only 21 so this is only the beginning,” sabi ni Beram na binago ang kanyang national record na 20.96 seconds na naitala sa Asian championships sa Bhupaneswar, India. “I was really just being myself so winning the gold was a bonus.”