MANILA, Philippines - Matapos kunin si Alex Mallari mula sa Mahindra, ay hinugot naman ng NLEX sina Larry Fonacier at JR Quiñahan buhat sa TNT Katropa at Globalport, ayon sa pagkakasunod.
Para makuha ng Road Warriors sina Fonacier at Quiñahan mula sa Tropang Texters at Batang Pier ay kinailangan ni head coach Yeng Guiao na pakawalan sina small forward Sean Anthony, big man Bradwyn Guinto at point guard Garvo Lanete.
Unang kinuha ng NLEX ang 6-foot-7 na si Quiñahan sa Globalport kapalit ni Lanete na dinala naman ng Batang Pier sa Meralco para kay Jonathan Grey at isang 2017 second-round pick na unang pagmamay-ari ng Mahindra.
Ibinigay naman ng Globalport si Anthony Semerad at ang kanilang 2017 first-round pick sa TNT Katropa para mahugot si Fonacier na kanila namang binitawan kasama ang 2019 second-round pick at 2017 second-round pick ng Mahindra sa NLEX kapalit nina Anthony at Guinto.
Ang naturang mga palitan ay inaprubahan ni PBA commissioner Chito Narvasa.