3-sunod na panalo ng Rain or Shine

MANILA, Philippines - Naging mahigpitan ang bakbakan ng Elasto Painters at Elite simula sa first period hanggang sa fourth quarter.

Ngunit nagsalpak si veteran forward Jay Washington ng dalawang mahalagang three-point shot sa dulo ng final canto para tulungan ang nagdedepensang Rain or Shine sa 95-88 panalo laban sa Blackwater sa 2017 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Ynares Center sa Antipolo City.

Ang ikatlong sunod na panalo ng Elasto Painters ang nagtabla sa kanila sa Meralco Bolts para sa liderato sa magkatulad nilang 3-0 record.

Nalasap naman ng Elite ang pangatlong dikit na kamalasan na nag-hulog sa kanila sa ilalim kasama ang NLEX Road Warriors.

“I think we just focused more in the fourth quarter and played better defense,” sabi ni balik-import Shawn Taggart na humakot ng 26 points at 13 rebounds para banderahan ang Rain or Shine laban sa Blackwater.

Nagdagdag sina Jericho Cruz at Maverick Ahanmisi ng tig-12 markers.

Walang naitayong double-digit lead ang dalawang koponan kung saan naitabla ni Ahanmisi ang Elasto Painters sa 87-87 mula sa kanyang three-point shot sa 3:22 ng fourth period na sinundan ng mintis ni Kyle Pascual sa panig ng Elite.

Kumonekta naman si Jay Washington ng triple para ibigay sa Rain or Shine ang 90-87 bentahe, habang naidikit ni import Greg Smith ang Blackwater sa 88-90 sa huling 1:51 minuto.

Muling nagsalpak ang 6-foot-7 na si Washington ng tres para ilayo ang Elasto Painters sa Elite sa 93-88 sa nalalabing 1:39 minuto.

 

Show comments