SAN ANTONIO – Wala ang mga star players at ito ang sinamantala ni point guard Patty Mills para makapagpasikat.
Kumamada si Mills ng 21 points para ihatid ang Spurs sa 107-85 panalo laban sa Golden State Warriors sa larong nagkulang ng star power.
Hindi ginamit ng San Antonio at Golden State ang kanilang mga star players.
Umiskor si Mills ng career high na 21 points sa first half at naglaro lamang ng limang minuto sa second half para sa San Antonio, nagtayo ng 28-point lead at kumonekta ng 12 three-pointers.
Wala na si Kevin Durant dahil sa isang knee injury, ipinahinga ng Warriors sina Stephen Curry, Klay Thompson, Draymond Green at Andre Iguodala.
Mas gusto ni Golden State coach Steve Kerr na maging malusog ang kanyang mga players pagsapit ng NBA Playoffs.
Hindi naman pinaglaro ng Spurs sina Kawhi Leonard, Tony Parker at Dejounte Murray dahil sa injuries, habang si LaMarcus Aldridge ay may minor heart arrhythmia.
Humataw si Ian Clark ng 36 points para sa Warriors, nalasap ang ikatlong sunod na pagkatalo at pang-lima sa huling pitong laro, kasunod ang 14 at 11 markers nina Matt Barnes at Zaza Pachulia, ayon sa pagkakasunod.
Sa Oklahoma City, inungusan ni Russell Westbrook si NBA great Wilt Chamberlain at nakalapit kay Oscar Robertson.
Kumolekta si Westbrook ng 33 points, 14 assists at 11 rebounds para sa kanyang ika-32 triple-double ngayong season at tinulungan ang Thunder sa 112-104 panalo laban sa Utah Jazz.
“Just being able to attack the basket,” sabi ni Westbrook. “When they don’t have any shot blockers, your job is to be able to take advantage of it, and I thought we did a good job.”
Inunahan ni Westbrook si Chamberlain (1967-68) para sa second-most triple-doubles sa isang season para makalapit sa 41 marka ni Robertson noong 1961-62.